Intoy Syokoy ba?
Masasabi ko talagang hindi ako nagsisisi na sumama ako sa isang produksyon na hindi kabilang at hindi mapapabilang sa aking OJT. Kalaban man ang init, puyat at pagod at hindi parin sapat na dahilan to para ipagpalit sa tulog, pahinga at internet ang pagpunta at pagtira pagsamantala sa isang motel para lang makatulong sa isang produksyong binubuo ng mga taong may magkakapantay na pagmamahal sa industriya at sa pelikula.
Nung una, nagdadawalang isip pa talaga ako kung sasama ba ako dito kasi baka hindi ko kayanin ang magkasabay na trabaho ko sa OJT ko sa TV5 at dito sa Concept One pero dumating yung araw na sabi ko kay Kim na itanong kay Sir Eros Atalia kung pwede pa ba akong sumama sa kanila. Wala na kakong aayusin pang paper kasi may OJT na ako at hindi na kailangan ng MoA, waivers at kung anu-ano pang kiyeme. Nang magreply ng “Oo naman!” si Sir, sobrang saya ko. Hindi ako mapakali sa sobrang excitement.
Dumating ang unang araw ng pagpunta ko sa Cavite, medyo kinakabahan ako kasi may nasasabi silang medyo toxic sa environment. Ni-ready ko na ang sarili ko for the worst and thankfully, wala naman akong na-encounter na pinagsisisihan ko.
Dumating kami sa Monte Verde Linggo ng gabi bago ang 3rd day ng shoot. Nakilala ko dito si Direk Lem Lorca, si Ate Kris na make-up artist, Direk Armand, Sir Ben at ang kanyang mga alipores at si Toto, ang assistant ni Direk.
Naghapunan kami ng sama sama at isa-isang nagsiligo para matulog na. Pero hindi kami makatulog dala narin siguro ng init at pagod sa byahe. Lumabas ako pagkatapos kong maligo para magpahangin pero paglabas ko, tumambad sakin ang kamay ni Direk na may hawak na isang baso ng Red Horse at inaalok akong inumin ito. Umayaw pa ako sa una pero ipinilit niya kaya tinanggap ko narin. Direktor yun! Tanga ka ba?
So ayun, yosi, tambay, kwentuhan hanggang sa makatulog na kami. Naalimpungatan pa nga ako nung bumukas ang pintuan at nakita ko si JM de Guzman kasama si Sir Eros.
Sumabak na nga kami sa shoot! Naging P.A. ako ni Richard Quan na sadyang napakabait. Inabot kami ng 3am para mashoot ang kahuli-hulihang eksena ni Sir Richard para sa character niya. Binigyan niya pa nga ako ng t-shirt sa kasagsagan ng init para daw makapagpalit ako kasi lahat ng gamit ko, nasa hotel.
Lumipas ang ilang linggo na parati kaming nasa Cavite, kapiling ang mga taga-Kalye Marino. Natatawag na nila kami sa mga first name namin at sila rin naman nakikilala narin namin. Napakarami naming nakilala dito sa proyektong to. Nasanay na nga kami sa puyat at pagod na above all this, masaya parin kami sa dulo.
Hanggang sa dumating na nga kami sa huling araw ng shoot namin. Push na kung push, tuhog na kung tuhog para matapos na ang materials para mapunta sa editting.
Dumating na ang huling pack-up. Hindi ko maexplain kung ano ang nararamdaman ko. Isa isa na kaming naglakad pabalik ng hotel. Naginuman hanggang umaga, hanggang nagkapaalaman na.
Hindi ko mapigilan yung luha sa mga mata ko. Ibang klaseng samahan na kasi yung nabuo sa mga lumipas na linggo. Sobrang mamimiss ko sina Ate Kris, Toto, Direk Lem at lahat ng bumubuo sa proyektong to. Si Mama Jet na anak narin ang turing sakin, si Sir Jun na parang di na nawawalan ng energy, si Joaquin na parang pinsan nalang namin, ang makukulit na sina Sammy, Eljin, yung kuyang matangkad at si Ate Mel na kabilang sa Prod Design/Art Dept. Basta lahat lahat sila.
Napakarami kong natutunan sa 7 shooting days na nakasama ko silang lahat. Natutunan ko kung paano makisama sa ibang taong may iba’t ibang personalidad at natutunan ko kung paano talaga magpursigi para sa isang bagay na gustong gusto mo. Nakilala ko ang mga taong may kakaibang pagpupursigi sa sining na pinili nila at may kakaibang pagmamahal sa pelikula. Nakita ko rin ang ibang mukha ng mga artista lalo na sa likuran ng kamera.
At dahil dito, nagpapasalamat ako kay Sir Eros Atalia sa pagpapahintulot sa akin na makasama sa kakaibang experience na to at sa Transient Team sa pagkupkop sa sira ulong katulad.
Oh pano, Kalye Marino, nagpapaalam na ako sayo. Hanggang sa muli natng pagkikita, mahal na mahal na kita. :)
Nagmamahal,
Ang iyong bisita, Si Obe-ng Punyetera.




